Handang-handa na ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Cagayan bilang host ng 4th Cagayan Valley Rescue Jamboree na isasagawa sa Barangay Minanga, Gonzaga na magsisimula sa February 24 hanggang 28.
Sinabi ni Rueli Rapsing, head ng PDRRMO, inihahanda na nila ang lahat ng mga kailangan para matiyak ang payapa at payapa na pagdaraos ng nasabing aktibidad.
Kaugnay nito, sinabi ni Rapsing na inimbitahan din nila sa rescue jamboree ang Cordillera Administrative, may nagsabi na rin na lalahok mula sa Region 3 at National Capotal Region.
Sinabi ni Rapsing na posibleng umabot sa 1,500 ang makikibahagi sa nasabing aktibidad.
Dahil dito, abalang-abala na sila ngayon sa paghahanda lalo na sa lugar kung saan idaraos ang jamboree.
Ayon sa kanya, bumubo sila ng event management team at kasama nila sa aktibidad ang Philippine Coast Guard dahil water activities ang karamihan sa gagawin, at ang PNP, BFP at mga lokal na pamahalaan naman ang titiyak sa seguridad ng mga delegado.
Tiniyak ni Rapsing na magiging memorable ang jamboree ngayong taon dahil sa masasayang mga aktibidad na kanilang inihanda.
Kabilang na dito ang map reading gamit ang compass, kung saan pakakawalan ang mga delegado sa dagat ng ilang kilometro ay pabilisan ang pagbabalik sa camp site.
Paliwanag ni Rapsing, layon ng aktibidad na mas mapahusay pa ng bawa’t rescuer ang kanilang tungkulin at upang magkaroon ng pagkakaisa sa ibang mga rescuer sa rehiyon.
Sinabi ni Rapsing na bukod sa mga rescue exercises ay nakalatag din sa kanilang pag-uusapan ang kasalukuyang isinusulong na Magna Carta for DRRM workers o ang panukalang batas para sa mga manggagawang DRRM na naglalayong pahusayin ang kondisyon sa pagtatrabaho at mga tuntunin sa trabaho gayun din ang mga kakayahan ng mga rescuer.
Ang tema ng rescue jamboree ay “One Province, One Mission, No Boundaries.”