
Nakatakdang idaos ng CAGELCO 1 ang ika-44 na Annual General Membership Assembly (AGMA) sa Mayo 30, 2026, araw ng Sabado, alas-8:00 ng umaga.
Kaugnay nito, inaanyayahan ang lahat ng rehistradong Member-Consumer-Owners (MCOs) na dumalo sa naturang pagtitipon.
Gaganapin ang aktibidad sa dalawang lugar sa Tuguegarao City.
Para sa mga MCO ng lungsod, itinakda ang venue sa CSU Andrews Gym sa Caritan.
Samantala, sa Mamba Gym na nasa Cagayan National High School Compound dadalo ang mga MCO mula sa mga bayan ng Solana, Peñablanca, Enrile, Amulung, Tuao, Rizal, Sto. Niño, Piat, Iguig, Alcala, at Baggao.
Ayon sa CAGELCO 1, magsisimula ang rehistrasyon alas-6:00 ng umaga.
Pinayuhan ang mga miembro na dadalo na magdala ng Statement of Account (SOA) o pinakahuling resibo ng bayad sa kuryente, gayundin ng isang valid ID para sa beripikasyon.
Sinabi ng kooperatiba na layunin ng pagtitipon na maibahagi sa mga miyembro ang mahahalagang ulat at impormasyon, at mabigyan sila ng pagkakataong aktibong makilahok sa mga usapin ng kooperatiba.
Magkakaroon din ng raffle draw at iba pang papremyo para sa mga dadalo.










