
Inanyayahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Senador Panfilo Lacson na personal na bisitahin ang Taguig City upang makita ang mga infrastructure projects sa lungsod kasunod ng mga alegasyon ng umano’y ghost projects at anomalya sa flood control at iba pang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ayon kay Cayetano, mas makabubuting makita mismo ang mga proyekto kaysa umasa lamang sa mga dokumento at larawan.
Nauna nang inihayag ni Lacson na umaabot umano sa 33 porsyento ang kickback sa ilang DPWH projects sa Taguig at sinabi ring nakapagsumite na ang kanyang kampo ng mga dokumento at umano’y money trail sa Office of the Ombudsman bilang ebidensya. Iniugnay rin niya ang umano’y mga anomalya kay Cayetano.
Mariing itinanggi ni Cayetano ang mga paratang at iginiit na handa niyang sagutin ang lahat ng alegasyon laban sa kanya. Sinabi rin niyang sa abot ng kanyang kaalaman ay walang ghost projects sa Taguig at nananatili siyang bukas sa patas na imbestigasyon.










