Hindi na mababawi ng isang lalaking Indian na deboto ang nahulog niyang iPhone sa cellection box sa isang Hindu temple habang nagbibigay ng donasyon.
Ito ay matapos sa sabihin sa kanya ng mga namumuno sa templo na ang anomang mailalagay sa donation box ay pagmamay-ari na ng deity0 ng Diyos at hindi na ibabalik.
Nitong nakalipas na buwan, bumisita ang lalaki sa isang templo kasama ang kanyang pamilya para mag-alay ng mga panalangin, at naramdaman niya na lumabas ang kanyang iPhone mula sa kanyang bulsa at nahulog sa hundial – isang metal donation box, habang nag-aalay siya sa patron deity ng templo.
Lumapit siya sa mga opisyal ng templo at ipinaliwanag ang nangyari, at hiniling na ibalik ang kanyang telepono.
Nagulat siya nang tumanggi sila na ibalik ang kanyang telepono.
Ipinaliwanag ng mga temple officials, nakasaad sa patakaran na wala silang permiso para ibalik ang anomang bagay na inilalagay sa hundial, boluntaryo o hindi sinasadya, dahil ito ay pagmamay-ari na ng deity.
Dahil dito, naghain ng reklamo ang lalaki sa Hindu Religious and Charitable Endowments officials na hiniling na abisuhan siya kung bubuksan ang hundial.
Binuksan ngayong buwan ang hundial, at naghintay ang lalaki na mabawi ang kanyang telepono, subalit nanindigan ang mga opisyal ng templo na hindi ito ibabalik.
Pinayagan naman ang lalaki na mabawi ang data mula sa kanyang telepono kung ito ay nanaisin niya.
Ayon kay Sekar Babu, Minister of the Hindu Religious and Charitable Endowments Department, na wala silang magagawa dahil ito ang patakaran ng templo.
Sinabi niya na kokonsulta siya sa temple officials para malaman kung may magagawa para mabigyan ng kompensasyon ang lalaki.
Naging viral ang nasabing insidente sa Indian social media, kung saan nagkaroon ng debate tungkol sa naging desisyon ng templo.
Marami sa mga users ang nagsabi na hindi makatuwiran ang naging desisyon ng templo.