
Naghahanda ang Commission on Higher Education (CHED) ng mga polisiya upang matugunan ang inaasahang epekto ng Super El Niño, kabilang ang matinding init at kakulangan sa tubig.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, naglabas na sila ng mga patnubay para sa mahigit 2,300 higher education institutions sa bansa upang maipatupad ang mga hakbang sa pagtitipid ng tubig at mapanatili ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga paaralan sa kabila ng matinding epekto ng El Niño.
Kabilang din sa mga inihahandang programa ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga unibersidad sa paggamit ng artificial intelligence para masubaybayan ang galaw ng mga yamang-dagat at mapabuti ang paghahanda sa sektor ng pangisdaan.
Inihayag ni Agrupis ang mga hakbang sa ikaapat na ASEAN-European Union Policy Dialogue on Higher Education sa Quezon City, na tumalakay sa papel ng edukasyon sa pagsusulong ng napapanatiling ekonomiyang nakabatay sa yamang-dagat.
Samantala, kinilala rin ng CHED ang paghina ng interes ng kabataan sa mga kursong agrikultura at pangisdaan.
Bilang tugon, pinalalawak nito ang mga scholarship program at mga gawaing pangkomunidad sa pamamagitan ng mga unibersidad, lalo na sa mga baybaying lugar, upang mahikayat ang mas maraming estudyante na pasukin ang mga nasabing larangan.










