
Naging kauna-unahang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang Pilipinas na sumapi sa Tokyo Convention na naglalayong mapadali ang pagkilala sa mga kwalipikasyong pang-edukasyon sa mga bansang kasapi.
Pormal na idineposito ng Pilipinas ang Instrument of Accession nito noong Nobyembre 16, 2026 sa punong-tanggapan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) sa Paris, France.
Ayon sa Commission on Higher Education (CHED), inaasahang mas mapapalawak ng kasunduan ang oportunidad ng mga Pilipinong estudyante at propesyonal na makapagpatuloy ng pag-aaral, lumahok sa academic exchanges at research collaborations, at makakuha ng trabaho sa ibang bansa.
Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ng patas, malinaw at mas episyenteng proseso sa pagsusuri at pagkilala sa mga akademikong kwalipikasyon ng mga mag-aaral mula sa mga bansang kasapi.










