Nakatakdang magpadala ng subpoena ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o CIDG kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng imbestigasyon sa mga hinihinalang extrajudicial killings o EJK sa Davao Region.

Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na subpoena lamang ang ihahatid ng CIDG at hindi warrant of arrest.

Ayon kay Remulla, nais ng CIDG na personal na humarap si Dela Rosa para sa imbestigasyon kaugnay ng mahigit 100 reklamo ng umano’y EJK noong siya pa ang Davao City Police Office director at regional director sa Davao Region.

Sinabi rin ng kalihim na hindi konektado ang imbestigasyon ng CIDG sa umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court o ICC laban kay Dela Rosa.

Dagdag pa ni Remulla, naka-alerto na rin ang mga paliparan, pantalan, at iba pang exit points sa bansa upang mamonitor kung dadaan doon ang senador.

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag din ng DILG secretary na mas marami pang subpoena ang posibleng ilabas sa mga susunod na araw bilang bahagi ng imbestigasyon.

Giit ni Remulla, nais ng gobyerno na ipakita na hindi na polisiya ng Philippine National Police ang EJK at kailangang managot ang mga opisyal na posibleng sangkot dito.

Matatandaang naging madalang ang pagpasok ni Senador Dela Rosa sa Senado matapos lumabas ang ulat tungkol sa umano’y warrant of arrest mula sa ICC kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.