
Inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na ipatupad ang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida.
Sa isang press briefing nitong Huwebes, kinumpirma ni Vida na kabilang sa utos ang mga pangunahing law enforcement agencies ng bansa upang isagawa ang pag-aresto sa senador.
I would like to confirm that Philippine law enforcement agencies, which would include the PNP, the NBI, are now tasked to effect the arrest of Senator Bato Dela Rosa, ani Vida.
Idinagdag pa niya na itinuturing umanong fugitive from justice ang senador at dapat itong iharap sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya.
Ayon sa DOJ, ang hakbang ay alinsunod sa umano’y validly issued na arrest warrant mula sa ICC.
Binanggit din ni Vida ang ilang konsiderasyon sa kaso, kabilang ang hindi umano paglagi ni Dela Rosa sa Senado, ang kawalan ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema, at ang pagiging epektibo ng naturang warrant.
Samantala, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tutupad sila sa kanilang mandato sa oras na kilalanin ng mga awtoridad ang bisa ng warrant.
The DILG will adhere to its mandate. If the lawful authorities have given validity to the warrant then we will comply and enforce, pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla.










