
Lumiit na umano ang mundo ng mga co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos silang pangalanan ng International Criminal Court (ICC), ayon kay Liberal Party-list Representative Leila De Lima.
Kasama sa listahan sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, Senator Bong Go, dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, at ilang opisyal ng PNP.
Sa video statement nitong Sabado, Pebrero 14, sinabi ni De Lima na noon pa man ay binalaan na niya sila, ngunit hindi sila nakinig at nagpakita pa ng kayabangan.
Nagbabala rin siya na may ilan na magtatago, tulad ni Dela Rosa. Aniya, hahabulin sila ng hustisya at mananaig ang katarungan.
Base sa dokumento ng ICC, sina Dela Rosa at Go ay kasali sa listahan dahil sa kanilang papel sa pagpapatupad at pagsuporta sa kampanya kontra iligal na droga ni Duterte.
Si Dela Rosa ay dating hepe ng PNP, habang si Go ay nagsilbing Special Assistant to the President.










