
Naniniwala ang ilang mambabatas na maaaring may “probable cause” para i-impeach si Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, kinumpirma ng Commission on Audit ang Notice of Disallowance sa P73 million mula sa confidential expenses ng Office of the Vice President noong December 2022.
Mayroon ding P375 million disallowance para sa tatlong quarter ng 2023.
Ayon kina Batangas Rep. Gerville Luistro, Bicol Saro Rep. Terry Ridon, at Manila Rep. Joel Chua, nagpapalakas ang mga ito sa alegasyon ng misuse ng pondo.
Iginiit ni Ridon na may bigat ang pinal na desisyon ng COA at maaaring magpatunay ng iregularidad sa paggamit ng pondo.
Dagdag ni Chua, kahit hindi isama ang testimonya ni Ramil Madriaga, sapat na umano ang findings ng COA upang magdulot ng problema sa panig ng bise presidente.
Dagdag din sa isyu ang ulat ng National Bureau of Investigation hinggil sa pagkakapareho ng sulat-kamay sa ilang resibo at ang pahayag ng Philippine Statistics Authority na walang record sa mga pangalang tulad ng “Mary Grace Piattos,” na umano’y tumanggap ng pondo.
Itinakda ng komite ang susunod na pagdinig sa Abril 22 na tututok sa alegasyon ng unexplained wealth, kabilang ang pagsusuri sa SALN, tax records, at bank transactions.
Ipapatawag din ang Anti-Money Laundering Council at si dating senador Antonio Trillanes IV upang magbigay ng impormasyon.
Patuloy namang itinatanggi ni Duterte ang mga paratang at sinasabing may bahid pulitika ang mga isyu laban sa kanya.









