
Binigyang-diin ni House prosecutor Terry Ridon na hindi maaaring basta na lang ilaglag ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang special disbursing officers o SDOs na sina Gina Acosta at Edward Fajarda.
Sina Acosta at Fajarda ang inaasahang haharap sa impeachment trial sa susunod na linggo pagkatapos ng Commission on Audit o COA auditor na si Xylene Mae Del Campo.
Sa pulong balitaan ngayong araw, sinabi ni Ridon na bilang head of agency ay hindi maaaring ituro ni VP Sara na ang SDOs ang tanging may pananagutan sa umano’y maling paggastos ng confidential funds.
Hindi rin kumbinsido ang kongresista na may kapasidad ang dalawang SDOs na mag-disburse ng pera nang walang utos mula sa kanilang pinuno na si Duterte.
Para sa prosecutor, malinaw na nakadikit ang pangalan ng pangalawang pangulo sa Notices of Disallowance o pagpapasauli ng COA sa 73 million pesos at sa 448 million pesos.
Dagdag ni Ridon, sina Acosta at Fajarda ay mga karaniwang empleyado ng OVP at Department of Education at mayroong final authority o “green light” si VP Sara.
Ang pag-encash ng mga pera at pag-abot kay Col. Raymund Dante Lachica ay “specific instruction” umano mula kay Duterte at ito ang nagpapatunay ng kanyang “absolute control”.










