Posibleng makipag-ugnayan ang Commission on Elections o Comelec sa Office of the Ombudsman kaugnay ng usapin sa P75-milyong donasyon na natanggap ni Sen. Rodante Marcoleta noong siya ay kandidato pa lamang sa pagkasenador.

Ito ay matapos ibasura ng Comelec ang motu proprio investigation nito sa naturang donasyon na unang nabigong maideklara sa Statement of Contributions and Expenditures o SOCE ni Sen. Rodante Marcoleta.

Ayon kay Comelec Chair George Erwin Garcia, wala pa umanong natatanggap na motion for reconsideration ang ahensya na maaaring magbukas muli sa kaso.

Gayunman, sinabi ni Comelec Chair George Erwin Garcia na hindi pa rin isinasara ng Comelec ang posibilidad ng karagdagang hakbang kabilang ang pakikipag-ugnayan sa Ombudsman kung saan may hiwalay nang reklamong inihain.

Nakasaad sa reklamong iniharap sa Ombudsman ang kwestyon kung maayos bang naideklara ang donasyon sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ni Sen. Rodante Marcoleta, na hiwalay sa requirements sa election reporting.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang sinabi ni Sen. Rodante Marcoleta na natanggap niya ang naturang donasyon bago magsimula ang opisyal na campaign period.

Pinangalanan sa reklamo sina dating congressman Mike Defensor, Joseph Espiritu, at Aristotle Baluyot bilang umano’y pinagmulan ng donasyon.

Nauna namang kinuwestiyon ni Mike Defensor kung paano maituturing na plunder ang usapin gayong wala naman umanong sangkot na pondo ng gobyerno.