Nagbabala ang Office of the Ombudsman sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan laban sa paggamit ng kanilang posisyon at mga opisyal na dokumento upang manghingi ng donasyon para sa Christmas party at iba pang hindi awtorisadong layunin.

Kasunod ito ng pagpapataw ng anim na buwang suspensiyon na walang sahod kay Bayani Galzote Olegario, barangay secretary ng Barangay Sta. Cruz sa Makati City, dahil sa pagpapadala ng mga solicitation letter gamit ang opisyal na letterhead ng barangay.

Ayon sa Ombudsman, humingi si Olegario ng cash at in-kind donations mula sa mga pribadong indibidwal noong Disyembre 2025 para sa Christmas party ng mga opisyal at kawani ng barangay.

Napatunayang may sapat na ebidensya upang panagutin siya sa kasong administratibo na conduct prejudicial to the best interest of the service.

Binigyang-diin ng Ombudsman na hindi katanggap-tanggap ang paggamit sa awtoridad at mga kagamitan ng tanggapan ng pamahalaan para manghingi ng pondo para sa mga aktibidad na hindi naman opisyal na tungkulin ng gobyerno.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa rito, hindi sapat na dahilan ang layuning gamitin ang donasyon para sa Christmas party upang bigyang-katwiran ang naturang hakbang dahil dapat iwasan ng mga lingkod-bayan ang paggamit sa kanilang posisyon para sa pribado o hindi awtorisadong mga gawain.

Kung hindi na maipatutupad ang suspensiyon dahil wala na sa serbisyo si Olegario, papalitan ito ng multang katumbas ng anim na buwang sahod at isang araw, na babayaran sa Office of the Ombudsman.