Personal nang haharap sa witness stand si Vice President Sara Duterte sa darating na Biyernes, Disyembre 4, upang depensahan ang kanyang sarili sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.

Ito ay matapos maghain ng pormal na manifestation ang defense team ng Bise Presidente sa Senate Impeachment Court kahapon, Nobyembre 29, na kinumpirma naman ni defense counsel at spokesperson Atty. Michael Poa.

Ayon sa kampo ng depensa, tetestigo mismo ang Pangalawang Pangulo upang pabulaanan ang lahat ng alegasyon at paratang laban sa kanya sa ilalim ng Articles of Impeachment.

Ito ang magiging kauna-unahang pagharap ni Duterte sa pagdinig mula nang magsimula ang paglilitis noong Hulyo, matapos ang ilang buwang pagkatawan lamang ng kanyang mga abogado.

Sa ngayon, nakasentro ang prosekusyon sa Article II na may kinalaman sa alegasyon ng unexplained wealth at hindi umano makatotohanang deklarasyon sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ng Bise Presidente.

-- ADVERTISEMENT --

Malugod namang tinanggap ni Bicol Saro Representative Terry Ridon, isa sa mga House impeachment prosecutor, ang pagtestigo ni Duterte dahil matagal na nilang hinihintay na personal nitong sagutin ang mga akusasyon.

Samantala, magpapatuloy muli ang paglilitis sa Senado bukas, Martes, Disyembre 1, bago ang nakatakdang pagtestigo ni Vice President Duterte sa Biyernes.