Nakilala na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng lalaking nasawi sa engkwentro sa pagitan ng mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) at hanay ng 58th Infantry Battalion nitong Marso 9 ngayong taon sa bahagi ng Balbalan Kalinga.

Ayon kay MAJ Rigor Pamittan ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, ang nasawi ay si Onal Oasis Balao-i “alyas Beran” na siyang commanding officer ng Rehiyon Unit Centro ng Ilocos-Cordillera Regional Commitee.

Kinumpirma aniya ng kanyang mga kaanak ang pagkakakilanlan nito matapos na maibaba ang bangkay mula sa encounter site patungo sa town proper ng Balbalan hanggang sa maidala sa isang punerarya sa Tabuk City, Kalinga.

Nabatid din na taong 90s pa ng sumapi si alyas beran sa grupo ng mga NPA kung saan ay hinihikayat siya ng kanyang mga kaanak na kumalas ngunit nanatili ito sa kanyang paninindigan na hindi iwanan ang kanilang samahan.

Matatandaang, nitong marso 9 ng sumiklab ang halos sampung minutong bakbakan sa pagitan ng NPA at militar sa mabundok na bahagi ng Sitio Babacong, Brgy. gawaan, Balbalan, Kalinga kung saan ay nakasagupa ng mga otoridad ang mga miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla Baggas at Regional Centro de Grabidad Ilocos-Cordillera Region.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos umatras ang mga rebelde ay na-recover ng militar sa lugar ang naiwang Baby Armalite at M16 riffle kasama ang limang bagpack na may lamang personal na gamit at mga subersibong dokumento habang iniwan din nila ang bangkay ni alyas beran.