Patay ang isang 21-anyos na construction worker matapos malunod habang tinatangkang sagipin ang inaanod na tsinelas ng isa niyang kasamahan sa ilog sa Barangay Lintic, Banayoyo, Ilocos Sur.
Ayon sa ulat ng Banayoyo Municipal Police Station (MPS), ang biktima ay residente ng nasabing barangay.
Naganap ang insidente habang nasa Binnuyog Bridge ang biktima kasama ang ilang katrabaho.
Ayon sa mga nakasaksi, biglang inagaw ng isa sa kanilang mga kasamahan, isang 17-anyos na lalaki, ang tsinelas ng isa pa nilang kasama at itinapon ito sa ilog.
Lumusong ang biktima sa tubig upang habulin at kunin ang inaanod na tsinelas, subalit hindi na siya nakaahon matapos tangayin ng malakas na agos ng ilog.
Sinubukan siyang hanapin at iligtas ng mga kasamahan ngunit hindi na siya natagpuan sa lugar ng insidente.
Agad namang nagsagawa ng retrieval operation ang Banayoyo MPS katuwang ang BFP at CDRRMO ng Candon City.
Ilang oras matapos ang insidente, natagpuan ang katawan ng biktima sa bahagi ng ilog sa Barangay Langlangca 1st, Candon City.
Dinala agad ang biktima sa Candon General Hospital sa Barangay Tablac, Candon City, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor.