Nasabat ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport o BOC-NAIA ang nasa 73 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P496.413 milyon, na itinago umano sa loob ng isang industrial machine na ipinadala mula Guadalajara, Mexico.

Ayon sa BOC, dumating sa Pilipinas noong Setyembre 26 ang pelletizing machine at isinailalim sa masusing pagsusuri matapos makatanggap ng intelligence report hinggil sa posibleng pagkakaroon nito ng ilegal na droga.

Noong Oktubre 2, isinagawa ang inspeksiyon sa isang warehouse sa Pasay City sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.

Nakita sa X-ray scan ang kahina-hinalang laman sa tubular frames ng makina. Kinumpirma naman ng PDEA K9 unit ang posibleng presensya ng droga.

Narekober sa mga tubular portion ng makina ang maraming pakete na naglalaman ng puting mala-kristal na substance na tumitimbang ng 73,002 gramo, na nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride o shabu.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, hindi titigil ang ahensya sa pagtukoy at pagpigil sa mga smuggler na gumagamit ng lehitimong kargamento bilang takip sa pagpupuslit ng ilegal na droga.