
Nagkaisa ang Department of Justice o DOJ, National Bureau of Investigation o NBI at Bureau of Customs o BOC sa paglaban sa economic sabotage sa sektor ng agrikultura.
Nilagdaan ng tatlong ahensya ang isang memorandum of agreement o MOA para mapabilis ang palitan ng impormasyon at koordinasyon sa mga kaso ng agricultural smuggling.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, bubuo ang mga ahensya ng joint task force at technical working group sa loob ng 30 araw upang pagtibayin ang kanilang operasyon at imbestigasyon.
Iginiit ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na dapat maramdaman ng mga magsasaka ang konkretong resulta ng kampanya, lalo na sa kanilang kabuhayan at araw-araw na pamumuhay.
Samantala, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na kailangang mauwi sa konkretong aksyon ang kasunduan, habang binigyang-diin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na walang sasantuhin sa imbestigasyon.
Ayon kay Remulla, hindi magbubulag-bulagan ang Ombudsman kapag may ebidensiyang may mga opisyal ng gobyerno na umabuso sa kanilang posisyon upang bigyang-daan, protektahan o makinabang sa agricultural economic sabotage.









