Muling pinayagan ng Department of Agriculture (DA) ang pagproseso ng aplikasyon para sa conversion ng agricultural land matapos alisin ang limang buwang moratorium sa land reclassification, na magbubukas ng mas maraming lugar para sa commercial, industrial, at infrastructure projects.

Ayon sa DA, isinagawa ang hakbang matapos repasuhin at amyendahan ang mga patakaran sa land use reclassification upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng pamumuhunan at pangangalaga sa seguridad sa pagkain.

Noong Enero, pansamantalang sinuspinde ng ahensya ang land conversion dahil sa pagdami ng aplikasyon at pangamba sa pagkawala ng mga produktibong sakahan.

Sa ilalim ng umiiral na batas, maaari pa ring i-reclassify ng mga lokal na pamahalaan ang lupang agrikultural kung hindi na ito angkop sa pagsasaka o mas mataas ang magiging pakinabang nito para sa residential, commercial, o industrial development, basta’t makakuha ng kinakailangang sertipikasyon mula sa DA.