Hindi bababa sa 26 na miyembro ng House of Representatives ang kasalukuyang iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman kaugnay ng posibleng pagkakasangkot sa mga anomalya sa infrastructure projects.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nakuha na ng kanilang tanggapan ang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga naturang kongresista matapos sumunod ang Kamara sa inilabas na subpoena.

Aniya, ito pa lamang ang unang batch ng mga dokumentong kanilang hiniling at bahagi ito ng mas malawak na pagsisiyasat sa umano’y “scheme” na hindi lamang limitado sa flood control projects kundi sumasaklaw sa iba’t ibang infrastructure projects ng pamahalaan.

Tiniyak naman ng Ombudsman na pursigido ang kanilang tanggapan na papanagutin ang mga nasa likod ng katiwalian.

Sa ngayon, tatlong batch pa lamang ng kaso ang naisampa kaugnay ng nasabing isyu, kabilang ang mga kasong graft at malversation laban kina dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co at iba pa, contractor na si Sarah Discaya, at maging kay dating senador Ramon Bong Revilla Jr., kaugnay ng umano’y mga substandard at ghost flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --