Nag-utos ang Department of Agriculture (DA) ng komprehensibong structural assessment sa General Santos Fish Port Complex matapos isara ang ilang bahagi ng pasilidad kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama noong Hunyo 8.

Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mas malalim na pagsusuri matapos matukoy sa paunang inspeksyon noong Hunyo 8 at 9 ang mga kondisyon na nagbunsod sa pansamantalang pagsasara ng Market Halls 1, 2 at 3, habang nilimitahan naman ang paggamit ng Market Hall 4.

Sinabi ni Tiu Laurel na layunin ng panibagong assessment na makakuha ng mas kumpletong larawan ng kalagayan ng pasilidad, kabilang ang geotechnical investigation at iba pang pagsusuri kasunod ng mga aftershock.

Samantala, sa ulat naman ni Philippine Fisheries Development Authority Acting General Manager Glen Pangapalan noong Hunyo 18, lumabas sa paunang pagsusuri na nananatiling structurally sound ang fish port complex.

Wala ring naitalang nasawi o nasugatan sa mga empleyado, negosyante at iba pang stakeholders sa kabila ng malakas na pagyanig.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, sinabi ni Pangapalan na mahalaga ang mas

detalyadong pagsusuri upang makumpirma ang kaligtasan ng pasilidad at matukoy ang mga kinakailangang hakbang kung mayroon man.

Binigyang-diin naman ni Tiu Laurel ang pangangailangang mapabilis ang assessment upang matiyak ang kaligtasan ng mga umaasa sa fish port para sa kanilang kabuhayan.

Ang General Santos Fish Port Complex ay isa sa pinakamahalagang pasilidad pangisdaan sa bansa at nagsisilbing pangunahing sentro ng industriya ng tuna sa General Santos City, na kilala bilang tuna capital ng Pilipinas