
Target ng Department of Agriculture (DA) na masimulan sa Agosto ngayong taon ang konstruksyon ng malalaking farm-to-market roads (FMR) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa tagapagsalita ng DA na si Assistant Secretary Arnel de Mesa, kasalukuyan nang nasa proseso ng bidding ang ahensya para sa mga proyektong FMR.
Inaasahan din ng DA na maipagkakaloob ang mga kontrata sa mga mananalong bidder sa pagitan ng Hunyo at Hulyo.
Si de Mesa ang itinalagang chair ng Bids and Awards Committee para sa malalaking imprastraktura ng FMR.
Paliwanag niya, inaayos na rin ng komite ang bagong sistema ng costing kung saan ang halaga kada kilometro ay mag-iiba depende sa lokasyon, kondisyon ng lupa, paggawa, at materyales.
Binanggit niya na mas mataas ang gastos sa mga lugar na nasa isla kumpara sa mga patag na lugar, kaya hindi na umano maaaring pare-pareho ang dating presyo na humigit-kumulang P15 milyon kada kilometro.
Noong Abril, inamin ng DA na nahihirapan ito sa pagpapatupad ng FMR projects dahil sa mga pagbabago sa costing dulot ng presyur sa presyo ng mga materyales at epekto ng pandaigdigang oil crisis, kaya naantala ang ilang procurement activities noong Mayo.
Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, may nakalaang P33 bilyon ang DA para sa konstruksyon ng 2,300 kilometro ng farm-to-market roads sa buong bansa.
Tiniyak ng DA na walang magiging delay sa implementasyon ng mga proyekto dahil may dalawang taong validity ang pondo.









