
Magpapatupad ang Department of Agriculture o DA ng mas siyentipiko at nakabatay sa lokasyon na mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng inaasahang matinding El Niño sa mga magsasaka at mangingisda.
Ayon kay DA spokesperson Arnel de Mesa, tutukuyin muna ng ahensya ang mga lugar na higit na maaapektuhan ng matinding tagtuyot, kabilang ang Ilocos Region, Cagayan Valley at Western Visayas.
Sinabi ni De Mesa na iiwasan na ng DA ang dating “one-size-fits-all” na approach at magbibigay ng partikular na intervention depende sa kondisyon at pangangailangan ng bawat lugar.
Nasa P6.2 bilyon na ang inilabas para sa fertilizer support at fuel assistance sa ilalim ng UPLIFT program, habang humihingi naman ang DA ng karagdagang P3.5 bilyon para sa mga solar irrigation project.
Sa kabuuan, aabot sa halos P9.7 bilyon ang pondong inilaan at hinihingi ng DA para sa paghahanda at pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda na posibleng maapektuhan ng El Niño.










