Sinimulan na ng Department of Agriculture o DA ang konstruksyon ng P310.9-milyong farm-to-market road sa Kayapa, Nueva Vizcaya.

Ang 10.86-kilometrong Pangawan-Banao Farm-to-Market Road ay inilunsad noong Setyembre 24 sa ilalim ng DA Philippine Rural Development Project Scale-Up, na pinondohan sa pamamagitan ng World Bank loan.

Umaabot sa P248.7 milyon ang World Bank loan, habang P31.1 milyon ang ambag ng national government at P31.1 milyon naman mula sa local government.

Ayon sa DA, inaasahang bubuksan ng proyekto ang access sa 4,191 ektaryang agricultural zone na nakatuon sa high-value vegetables at kape.

Tinatayang 1,078 residente, kabilang ang 251 indigenous families at 192 farming families mula sa Barangays Pangawan at Banao, ang direktang makikinabang sa proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nasa P28.6 milyon bawat kilometro ang halaga ng naturang kalsada, halos doble sa P15-milyong average na binanggit ng DA para sa two-lane concrete farm-to-market road.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mahalaga ang mga farm-to-market road para mapadali ang pagdadala ng produkto sa mga pamilihan at mabawasan ang production at transport costs ng mga magsasaka.