Dumagsa na ang mga mamimili ng bulaklak sa Labilab, Itogon, Benguet upang mag-imbak ng paninda ilang araw bago ang paggunita ng Undas sa Nobyembre 1 at 2.

Kabilang sa mga bumibili ang mga nagmula pa sa Maynila, Nueva Ecija at Isabela na magdadala ng mga bulaklak sa iba’t ibang pamilihan, kabilang ang National Capital Region o NCR.

Inaasahan ng mga lokal na magsasaka na magpapatuloy ang pagdagsa ng mga mamimili hanggang Oktubre 31 upang matiyak ang sapat na suplay ng mga bulaklak para sa Undas.

Inaasahan din ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga bulaklak dahil sa mataas na presyo ng petrolyo na nagpapamahal sa transportasyon.

Bukod sa direktang pagbili sa mga hardin, naghahatid din ang mga magsasaka ng kanilang mga produkto sa Benguet State University Orchidarium sa La Trinidad at sa iba pang bayan sa Benguet.

-- ADVERTISEMENT --

Hinihikayat naman ang publiko na tangkilikin ang mga lokal na bulaklak upang makatulong sa kabuhayan ng mga magsasaka, lalo na matapos ang epekto ng mga nagdaang sama ng panahon.