
Napatunayang guilty ng Sandiganbayan ang dalawang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways Region 12 sa kasong graft at pamemeke ng mga pampublikong dokumento kaugnay ng P5.3 million right-of-way (ROW) claims.
Sa 77-pahinang desisyon, sinabi ng korte na sina David Padlan at Tomas Rodriguez ay nagmanipula ng mga dokumento mula 2011 hanggang 2015 upang bigyang-katwiran ang pagbabayad ng ROW claims kina Wilfredo at Alicia Leabris, at kay Muhammad Saptula.
Ayon sa Sandiganbayan, napatunayan na hindi lehitimong may-ari ng lupa sina Wilfredo at Alicia Leabris, kaya’t hindi dapat sa kanila napunta ang kabuuang halagang P5.3 million.
Dagdag pa ng korte, hindi ginamit ang pondo sa pagbili ng mga lupang apektado ng proyektong Cotabato-Surallah National Road.
Dahil dito, hinatulan sina Padlan at Rodriguez ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong para sa bawat isa sa dalawang bilang ng graft, bukod pa sa parusang perpetual disqualification o habambuhay na pagbabawal na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Si Padlan ay napatunayang guilty sa apat na bilang ng falsification of public documents at sinentensiyahan ng anim na buwan hanggang walong taon na pagkakakulong sa bawat bilang, at pinagmulta ng kabuuang P20,000.
Samantala, si Rodriguez ay nahatulan sa siyam na bilang ng falsification at sinentensiyahan ng anim na buwan hanggang walong taon na pagkakakulong sa bawat bilang, at pinagmulta ng kabuuang P45,000.
Tulad ni Padlan, kasama rin sa parusa ang habambuhay na diskwalipikasyon sa serbisyo publiko.
Binanggit din ng korte na hindi sinunod ng dalawa ang mga itinakdang proseso sa ilalim ng DPWH Special Order No. 80 series of 2007, kung saan ang Infrastructure ROW (IROW) Committee ang may pangunahing responsibilidad sa pagsusuri at pag-apruba ng mga ROW claims.
Iginiit ng dalawang opisyal na umasa lamang sila sa rekomendasyon ng Technical Working Group (TWG), ngunit hindi ito tinanggap ng Sandiganbayan, na nagsabing hindi nito nababago ang kanilang pananagutan bilang miyembro ng IROW Committee.










