Hindi maaaring patawan ng kriminal na pananagutan ang dalawang menor de edad na nasa likod ng pamamaril na kumitil sa apat na katao sa isang paaralan sa Tacloban City.

Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ipinaliwanag ni Atty. Samuel Agaloos na ang mga batang may edad 15 pababa ay hindi kasama sa criminal liability at hindi na tinitingnan pa kung mayroon silang tinatawag na discernment o kakayahang malaman kung tama o mali ang kanilang ginawa.

Gayunman, maaaring sumailalim ang mga bata sa diversion programs sa ilalim ng DSWD o kaya ay ipasok sa Bahay Pag-Asa para sa rehabilitasyon.

Sa kabila nito, hindi pa rin ligtas sa pananagutang sibil ang kanilang mga magulang na maaaring obligadong magbayad ng danyos sa mga naulilang pamilya.

Binigyang-diin din ni Agaloos ang mga salik na maaaring nagtulak sa krimen gaya ng paglaganap ng teknolohiya at internet, pagbabago sa paraan ng pagpapalaki, at ang kawalan ng atensyon o gabay mula sa mga magulang.

-- ADVERTISEMENT --