Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nangangailangan pa ng masusing pag-aaral ang panukalang ibaba ang minimum age of criminal liability kasunod ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Ayon sa Pangulo, mahalagang matukoy muna ng mga eksperto ang ugat ng lumalalang karahasan sa kabataan, kabilang ang epekto ng mental health, desensitization sa karahasan, at impluwensya ng makabagong teknolohiya at online games.

Sinabi rin ni Marcos na handa niyang ikonsidera ang pagbabawal sa ilang uri ng video games kung mapatutunayang may direktang epekto ang mga ito sa pagiging marahas ng mga bata. Binigyang-diin din niya na mahalaga ang rekomendasyon ng mga child psychologist at iba pang eksperto bago gumawa ng anumang pagbabago sa batas.

Kasabay nito, isinusulong din sa Senado ang panukalang ipagbawal ang paggamit ng social media sa mga batang wala pang 16 taong gulang, habang isasailalim naman sa masusing pagsusuri ang implementasyon ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006. Nauna nang nanawagan ang Pangulo ng sama-samang pagkilos upang mapigilan ang karahasan sa mga paaralan, kasunod ng madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22 na ikinasawi ng tatlong estudyante.