Rerepasuhin ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development ang pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act, kabilang ang kakulangan ng mga Bahay Pag-asa para sa mga batang may kaso sa batas at ang panukalang ibaba ang minimum age of criminal responsibility.

Ayon kay Senador Erwin Tulfo, tatalakayin din sa pagdinig kung sapat ang rehabilitasyon ng mga batang lumalabag sa batas at kung sapat ang pananagutan ng mga magulang sa mga nagagawang paglabag ng kanilang mga anak.

Kasunod ito ng nakatakdang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.

Samantala, muling iginiit ni Senador Francis Pangilinan, may-akda ng batas, na hindi nito inaalis ang pananagutan ng mga menor de edad kundi inilalayo lamang sila sa criminal liability habang isinasailalim sa rehabilitasyon.

May mga panukala namang ibaba sa 10 o 12 taong gulang ang age of criminal responsibility, ngunit mariin itong tinututulan ng ilang mambabatas at child welfare advocates na naniniwalang hindi ito solusyon sa pagtaas ng juvenile delinquency.

-- ADVERTISEMENT --