TUGUEGARAO CITY-Patay ang dalawang sundalo kaninang umaga matapos silang tambangan ng umano’y Communist Terrorist Group sa Barangay Gacab, Malibcong, Abra.

Batay sa inilabas na pahayag mula sa 5th Infantry Division, Philippine Army, ni-recall ang apat na sundalo na mula sa 24th Infantry Battalion para tumulong sa Disaster Response Operations kasunod ng pagtama ng 6.4 magnitude na lindol sa Abra nang mangyari ang pananambang sa tropa.

Mariing kinondena ni Lt. Col. Ricardo Garcia, commander ng 24th IB ang nasabing pananambang ng New People’s Army.

Nangako si Garcia sa pamilya ng mga nasabing sundalo na gagawin nila ang lahat upang mahuli ang mga salarin at mabigyan ng hustisya ang pagpatay sa mga ito.