Posibleng tuluyang matanggalan ng lisensya sa pagmamaneho ang isang dating alkalde matapos masangkot sa viral na insidente kung saan umano’y pinatakbo niya ang isang gas attendant na hindi agad nabayaran ang gasolina sa Maharlika Highway sa Allacapan, Cagayan.

Ayon sa Land Transportation Office (LTO), inihahanda na ang lifetime revocation ng driver’s license ng dating opisyal at ang paglalagay ng “alarm” status sa kanyang sasakyan upang hindi na ito magamit.

Sa imbestigasyon, lumabas na nagpakarga umano ng gasolina ang dating mayor ngunit umalis nang hindi nagbabayad, dahilan upang habulin siya ng pump attendant na kabilang sa isang Indigenous Peoples community.

Nabatid din na kinunan ng video ng dating alkalde ang pangyayari mula sa loob ng sasakyan, na kalaunan ay itinuring na bahagi ng vlog content.

Kinondena ng LTO ang insidente at iginiit na hindi dapat ginagawang libangan o content ang mga sitwasyong maaaring magdulot ng panganib at kahihiyan sa ibang tao.

-- ADVERTISEMENT --

Lumabas din sa paunang imbestigasyon na maaaring pagmamay-ari ng dating alkalde ang gasolinahan kung saan naganap ang insidente.

Naglabas na ang LTO ng show cause order laban sa dating opisyal, sa driver, at sa rehistradong may-ari ng sasakyan upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa kasong reckless driving at ideklarang hindi karapat-dapat magmaneho.

Samantala, inatasan na rin ang driver na isuko ang kanyang lisensya na kasalukuyang nasa 90-day preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.