Nagbalik-loob ang isang dating kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) sa mga awtoridad kahapon sa Barangay Cabiraoan, Gonzaga, Cagayan.
Kinilala siya na si alyas Panding, 47-anyos, magsasaka, at residente ng nasabing bayan.
Isinuko rin nito ang isang piraso ng rifle grenade na ngayon ay nasa kustodiya na ng Gonzaga Police Station para sa tamang disposisyon.
Batay sa pahayag ng nasabing dating rebelde, siya ay na-recruit at nalinlang ng isang kumander ng CTG noong Hulyo 2016 habang siya ay nasa murang edad pa.
Sa loob ng mahigit isang buwan, siya ay nagsilbi sa tinaguriang Sparrow Unit bilang tagapaghatid ng pagkain para sa mahigit 20 kasamahan na kumikilos sa mga bayan ng Gonzaga at Sta. Ana.
Bagama’t hindi sila nagkaroon ng direktang sagupaan sa mga tropa ng AFP at PNP, ang kanilang pangunahing gawain ay pagmamanman sa galaw ng mga tropa ng gobyerno.
Dahil sa mga hirap, panganib, at kawalang-katiyakan sa loob ng kilusan, nagpasya siyang humiwalay sa CTG noong Enero 2017 upang mamuhay nang tahimik at makasama ang kanyang pamilya.
Simula noon ay nagtago siya sa isang barangay sa Gattaran, Cagayan upang makaiwas sa kanyang mga dating kasamahan.
Ang kanyang pagbabalik-loob ay naging posible sa pamamagitan ng mga aktibidad ng PNP Cagayan sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP), bilang suporta sa Executive Order No. 70 na nagpapalakas sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).