Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng dismissal mula sa serbisyo si dating Senate acting Sergeant-at-Arms at retiradong Police Major General Mao Aplasca dahil sa grave misconduct at gross neglect of duty kaugnay ng insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13.

Ayon sa Ombudsman, walang sapat na dahilan ang pagpapaputok ni Aplasca ng warning shots dahil nagdulot ito ng takot at panganib sa mga senador, empleyado, mamamahayag at iba pang sibilyan sa loob ng Senado.

Bagama’t retirado na sa serbisyo si Aplasca, inatasan siyang magbayad ng multang katumbas ng isang taong suweldo na ibabawas sa kanyang retirement benefits at iba pang matatanggap na benepisyo.

Iginiit ng Ombudsman na wala umanong agarang banta sa buhay ni Aplasca at ng kanyang mga tauhan dahil nagpakilala na bilang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga armadong nasa lugar bago siya nagpaputok.

Tinanggihan din ng Ombudsman ang depensa ni Aplasca na ginawa niya ito upang protektahan ang Senado at ang mga senador, at iginiit na siya mismo ang nagsimula ng komprontasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nag-ugat ang kaso sa palitan ng putok sa pagitan ng Office of the Sergeant-at-Arms at mga tauhan ng NBI habang nasa protective custody ng Senado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na may nakabinbing warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).