
Pinagsabihan ni Sandiganbayan Third Division Chairperson Associate Justice Karl Miranda ang dating state witness na si Gerald Opulencia dahil sa kanyang pahayag na wala siyang alam sa mga “commitments” para sa mga contractor at proponent, sa kabila ng pag-amin na inutusan niya ang mga district engineer na tiyakin ang mga ito.
Si Opulencia, dating regional chief ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa Metro Manila, ay tumestigo sa anti-graft court sa pagdinig kasong malversation laban kay Ramon Revilla Jr. kaugnay ng umano’y “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.
Binigyang-diin ni Miranda na pinagloloko ni Opulencia ang korte dahil sa hindi pagsasabi ng katotohanan.
Ayon kay Opulencia, sa utos ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, nakipag-ugnayan siya sa mga district engineer (DEs) sa pagsusumite ng listahan ng proyekto para sa pondo, pagbibigay ng ulat sa status ng proyekto, pagkuha ng “commitments” o porsiyento mula sa pondo ng proyekto, at pag-aayos ng iskedyul ng paghahatid nito.
Dagdag pa ni Opulencia, noong Pebrero at Marso 2025, sumunod ang mga inhinyerong sina Manny Bulusan, Denryl Caesar Cortuna, Ruel Umali, at Arturo Gonzales Jr. sa paghahanda ng commitments.
Nagsilbi sina Bulusan at Cortuna bilang officer-in-charge district engineers ng South Manila District Engineering Office sa ilalim ng DPWH–NCR.
Si Gonzales naman ay nakatalaga sa Quezon City First District Engineering Office, habang si Umali ay dating konektado sa Metro Manila Third District Engineering Office.
Nang tanungin ng korte kung paano nakuha ng mga inhinyero ang commitments, sinabi ni Opulencia na wala siyang kaalaman sa proseso, dahilan upang kuwestiyunin ni Miranda ang kanyang kredibilidad bilang state witness.
Tinukoy naman ni Associate Justice Ronald Moreno na walang batas o memorandum ng DPWH na nag-uutos na dapat tumanggap ng porsiyento ang mga proponent mula sa mga proyekto.
Ayon kay Opulencia, nagsimula siyang makatanggap ng mga utos ukol sa “commitments” mula kay Bernardo noong 2024, at sinunod niya ito dahil sa utang na loob sa opisyal na tumulong umano sa kanyang mabilis na promosyon.
Tinanong din ni Moreno kung may bahagi ba ng commitments na napunta kay Revilla, ngunit iginiit ni Opulencia na wala siyang alam sa anumang transaksiyon na may kinalaman sa mga proponent.
Sinabi ni Opulencia na nangako siyang magsauli ng P150 million bilang kabayaran batay sa pagsusuri ng DOJ, kung saan P130 million na ang kanyang naibalik.
Ipinaliwanag ni Opulencia na nag-apply siya sa Witness Protection Program ng DOJ matapos siyang pangalanan bilang respondent sa kaso.
Nang tanungin kung paano siya nakapag-ipon ng milyon-milyong piso sa maagang bahagi ng kanyang karera, inamin ni Opulencia na tumanggap siya ng pera o “token of appreciation” mula sa mga contractor habang nagsisilbi bilang Manila district engineer.
Aniya, ang pinakamalaking halagang kanyang natanggap mula sa isang contractor ay umabot sa P1 million.










