
Kinumpirma ni dating Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor na buhay at nasa maayos na kalagayan si retired Marine Sergeant Orly Guteza sa kabila ng mga naunang ulat na nagsasabing siya ay pinatay na.
Sa panayam sa Bombo Radyo, sinabi ni Defensor na personal na nakipag-ugnayan sa kanya si Guteza halos dalawang linggo na ang nakalipas upang tiyaking ligtas siya at nasa mabuting kalagayan.
Ayon kay Defensor, matagal na panahon din silang hindi nagkaroon ng komunikasyon matapos ang unang pagharap ni Guteza sa Senado. Aniya, may isang kakilala pa ang nagsabi sa kanya na pinatay na umano ang dating Marine sergeant.
Gayunman, nilinaw ni Defensor na hindi totoo ang naturang impormasyon matapos siyang direktang makausap ni Guteza.
Hindi naman ibinunyag ni Defensor ang kasalukuyang lokasyon ng dating sundalo.
Aniya, mas makabubuting manatiling pribado ang kinaroroonan nito para sa kanyang seguridad at kaligtasan.
Nanindigan din si Defensor na ang naging hakbang ni Guteza ay bunsod ng hangarin nitong mailantad ang umano’y mga katiwalian sa ilang flood control projects ng pamahalaan.
Ayon pa sa dating mambabatas, nakalulungkot na sa halip na mabigyang-pansin ang mga ibinunyag ni Guteza, tila siya pa umano ang nakararanas ng mga pag-atake at panggigipit.
Dagdag ni Defensor, malawak ang kaalaman ni Guteza kaugnay ng mga impormasyong kanyang inilahad, dahilan upang patuloy niyang ipanawagan na mabigyan ito ng kaukulang atensyon at masusing imbestigasyon ng mga kinauukulan.
Sa ngayon, wala pang karagdagang detalye na ibinahagi hinggil sa kinaroroonan o susunod na hakbang ni Guteza.






