Ipinahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi napatunayan ang mga alegasyon ng umano’y cash deliveries kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects dahil sa kakulangan ng sapat at independiyenteng ebidensya.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na hindi sapat ang joint affidavit na inihain ng ilang dating bodyguards ni dating kongresista Zaldy Co dahil karamihan sa mga pahayag ay nakabatay lamang sa hearsay at hindi sa personal na kaalaman.

Ayon kay Matibag, walang dokumento, electronic device, o anumang pisikal na ebidensyang sumusuporta sa mga alegasyon.

Aniya, pawang mga salaysay lamang ang iniharap sa imbestigasyon.

Dagdag pa niya, binigyan ng pagkakataon ng NBI ang mga nag-akusa na magsumite ng karagdagang ebidensya ngunit wala silang naipresenta.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ng NBI na karamihan sa mga testigo ay hindi personal na nakita ang laman ng mga bag na umano’y ginamit sa cash deliveries at pawang hinala lamang ang kanilang mga pahayag.

Batay sa pagsusuri ng ahensya, nasa 10 hanggang 20 porsiyento lamang ng mga testimonya ang maituturing na may personal na kaalaman, habang ang karamihan ay nagmula sa mga kuwento ng ibang tao at mga usapan sa group chats.

Napansin din ng NBI ang ilang hindi pagkakatugma sa mga pahayag ng mga testigo, kabilang ang pag-aangking bahagi sila ng isang grupo ng mga dating Marines kahit hindi lahat ay may ganoong background.

Dahil dito, sinabi ni Matibag na hindi napatunayan ang mga alegasyon batay sa kabuuan ng mga ebidensyang isinumite sa ahensya.

Samantala, sinabi ni Senador Erwin Tulfo na inimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang 18 dating bodyguards at kanilang abogado para sa konsultatibong pulong ngunit hindi sila dumalo.

Aniya, muli silang iimbitahan kapag ganap nang nabuo ang komite at nagsimula na ang pormal na pagdinig.