
Inihain ng mga prosecutor ng International Criminal Court o ICC ang testimonya ng dalawang saksi na tumatalakay sa mga pagpatay sa kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang ang mga kaso nina Kian delos Santos at dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr.
Sa kanilang aplikasyon sa Trial Chamber III, hiniling ng Office of the Prosecutor na tanggapin ang mga naunang naitalang testimonya ng mga saksi na sina P-0025 at P-1382.
Ayon sa mga prosecutor, naglalaman ang mga testimonya ng impormasyon hinggil sa pagdami ng mga pagpatay at mga pagkakaiba sa pagitan ng ebidensiyang sinuri ng mga saksi at mga pahayag ng pulisya na kumilos lamang sila bilang pagtatanggol sa sarili.
Kabilang sa mga kasong tinukoy ang pagpatay kay Parojinog at ilang iba pa noong Hulyo 30, 2017, at kay Kian noong Agosto 16, 2017. Mayroon ding mga insidente ng pamamaril sa Bulacan at Quezon City na iniuugnay sa mga tauhan ng pulisya.
Giit ng prosekusyon, maaaring makatulong ang mga testimonya upang suportahan ang kanilang alegasyon na may umiiral na patakaran ng marahas na pag-neutralisa sa mga itinuturing na kriminal, gayundin ang umano’y malawakang paglabag sa karapatang pantao. Gayunman, maraming bahagi ng mga testimonya ang hindi inilabas sa publiko.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y murder at attempted murder noong siya ay alkalde ng Davao City at pangulo ng bansa. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa kaniya sa Nobyembre 30 sa ICC.










