Inaprubahan ng Department of Environment and Natural Resources-Cordillera Administrative Region o DENR-CAR ang pagtatayo ng Central Materials Recovery Facility o MRF sa Barangay Dontogan, Baguio City, na layong mabawasan ang dami ng basurang dinadala sa mga landfill.

Kamakailan lamang ay ipinagkaloob ng DENR-CAR ang environmental clearance para sa proyekto na inaasahang makapagproseso ng hanggang 150,000 toneladang basura kada taon gamit ang mechanized sorting, composting at iba pang materials recovery systems.

Itatayo ang pasilidad na may 1,600-square-meter main building at lalagyan ng iba’t ibang makabagong kagamitan para sa paghihiwalay, pagproseso at pagbawi ng mga materyales mula sa basura.

Kabilang dito ang box feeders, debaggers, trommel screens, composting units, air separators, sorting platforms at hydraulic balers upang mas mapalaki ang dami ng materyales na maaaring ma-recycle o magamit muli.

Mayroon din itong mga sistema para sa pagkontrol sa amoy at kalidad ng hangin, kabilang ang exhaust systems, bio-enzymatic misters, HEPA-filter vacuums at wet-packed scrubbers na tutulong sa pagkontrol ng mga gas tulad ng hydrogen sulfide, ammonia at methane.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa pagbawas sa basurang napupunta sa landfill, inaasahang makatutulong din ang pasilidad sa pagbawas ng gastusin ng Baguio City sa paghahakot ng basura.

Ayon sa DENR-CAR, umaabot sa P200 milyon kada taon ang ginagastos ng lungsod para sa paghahatid ng residual waste nito sa Urdaneta City engineered sanitary landfill.

Samantala, inaprubahan na rin ng National Solid Waste Management Commission ang solid waste management plan ng Baguio City hanggang 2034, bilang bahagi ng pangmatagalang hakbang sa mas maayos at mas sustenableng pamamahala ng basura.