
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order No. 122 na naglalayong palakasin at paunlarin ang industriya ng critical minerals sa bansa.
Sa ilalim ng kautusan, bubuo ang gobyerno ng iisang national policy framework para sa responsableng pagmimina, pagproseso at paglikha ng mga produktong mula sa critical minerals, sa halip na pag-export lamang ng mga hilaw na mineral.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, may tinatayang siyam na milyong ektarya sa bansa na posibleng pagkunan ng iba’t ibang mineral na mahalaga sa clean energy, digital technology, infrastructure at paggawa ng electric vehicle batteries.
Itutulak din ang mas mabilis at digital na proseso ng mining permits, gayundin ang pagtatayo ng mga domestic processing plant, battery production at iba pang downstream industries.
Layunin ng EO 122 na mapataas ang halaga ng mga yamang mineral ng bansa at mapalakas ang posisyon ng Pilipinas sa global supply chain ng mga materyales na mahalaga sa renewable energy, electric vehicles at iba pang makabagong teknolohiya.










