Pinaiigting na ng Department of Agriculture o DA ang paghahanda laban sa posibleng matinding epekto ng El Niño phenomenon na maaaring maranasan sa huling bahagi ng taon at magdulot ng banta sa suplay ng pagkain sa bansa.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., muling pinakikilos ng ahensya ang El Niño task force upang agad makapagpatupad ng mga hakbang na makababawas sa epekto ng matinding tagtuyot sa agrikultura, kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, pati na rin sa presyo ng pagkain.

Batay sa pagtaya ng DA, posibleng bumaba ng hanggang 700,000 metric tons o katumbas ng 3.5 porsyento ang produksyon ng bigas kapag tumama ang malakas na El Niño.

Kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan ang cloud seeding, paggamit ng solar-powered irrigation systems, pagbabago sa planting calendar, at crop diversification upang mapanatili ang produksyon at kita ng mga magsasaka.

Ayon naman sa PAGASA, may 92 porsyentong posibilidad na makaranas ang bansa ng moderate hanggang strong El Niño pagsapit ng ikaapat na quarter ng 2026 na maaaring tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.

-- ADVERTISEMENT --

Giit ng DA, mahalagang maagapan ang epekto ng El Niño upang maprotektahan ang food security at maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.