Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) na mahaharap sa mabigat na multa, pagkakakulong, at posibleng pagpapasara ng negosyo ang mga rice retailer, trader, at importer na lalabag sa ipinatutupad na P50 kada kilo na price ceiling sa imported rice.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mas mahigpit na ngayon ang pagpapatupad dahil may kapangyarihan na ang DA na magpataw ng parusa laban sa mga lalabag.

Ipinatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang price cap sa ilalim ng Executive Order No. 118 upang mapigilan ang hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng imported rice.

Sa ilalim ng Price Act o Republic Act No. 7581, maaaring makulong ng isa hanggang 10 taon at pagmultahin ng P5,000 hanggang P1 milyon ang mga lalabag sa price ceiling ng mga pangunahing bilihin.

Maaari ring ipataw ang pagsasara ng establisimyento, pagkumpiska ng produkto, at pagbawi ng permit at lisensya ng mga mapatutunayang lumabag.

-- ADVERTISEMENT --