
Bumubuo ang Department of Education (DepEd) ng panukalang magtatakda ng awtomatikong suspensyon at pagbabalik ng face-to-face classes at onsite work sa mga paaralan batay sa itinakdang hazard thresholds ng mga ahensya ng pamahalaan.
Sa ilalim ng draft executive order, awtomatikong masususpinde ang mga klase kapag umabot sa 40 degrees Celsius pataas ang heat index o kapag naglabas ng opisyal na babala sa malakas na ulan, volcanic smog, at iba pang panganib sa kalusugan at kalikasan.
Magpapatuloy naman ang klase kapag naalis na ang mga babala at natiyak na ligtas ang mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng panukala na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro habang tinitiyak ang pagpapatuloy ng pag-aaral.
Patuloy namang isinasailalim sa konsultasyon ang panukala bago ito isumite sa Malacañang.










