
Paiigtingin ng Department of Education (DepEd) ang seguridad at guidance counseling sa mga paaralan kasunod ng madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay DepEd Undersecretary Malcolm Garma, pinalalakas na ang koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) upang madagdagan ang presensya ng mga pulis at barangay tanod sa paligid ng mga paaralan bilang panseguridad.
Kasabay nito, magdaragdag din ang DepEd ng mga guidance counselor associates upang mapunan ang kakulangan sa guidance personnel at mas matutukan ang kalagayang emosyonal ng mga mag-aaral.
Tututukan din ng kagawaran, katuwang ang PNP, ang online activities ng mga estudyante at mga larong may mararahas na nilalaman, habang paiigtingin ang mga programang magbibigay ng ligtas na espasyo para makapagbahagi ng kanilang mga suliranin bago ito humantong sa karahasan.










