
Dapat patunayan ng susunod na kalihim-panlahat ng United Nations (UN) na nananatiling epektibo ang pandaigdigang kooperasyon sa gitna ng tumitinding tensiyon sa pagitan ng mga bansa, ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro.
Sa paggunita ng UN Day, sinabi ni Lazaro na kailangang maibalik ng susunod na UN chief ang tiwala ng mga bansa sa multilateralism o sama-samang pagkilos ng mga estado upang maresolba ang mga pandaigdigang suliranin.
Binigyang-diin niya na mahalagang pag-isahin ang mga bansang may magkakaibang interes, ipagtanggol ang UN Charter at tiyaking may konkretong resulta ang pagtutulungan ng mga bansa.
Ayon kay Lazaro, nasa mahalagang yugto ang United Nations sa harap ng mga hamong geopolitikal at mga pagsubok sa pandaigdigang batas. Sinabi rin niyang sinusubok ngayon ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng organisasyon, gayundin ang tiwala ng mundo sa kakayahan nitong ipatupad ang mga ito.
Binigyang-diin ng kalihim na mahalaga ang isang matatag na United Nations para sa Pilipinas, na matagal nang nagsusulong ng mapayapang paglutas sa mga sigalot sa pagitan ng mga bansa.
Aniya, lalong mahalaga ang isang epektibong pandaigdigang organisasyon para sa mga bansang umaasa sa mga prinsipyong nakapaloob sa pandaigdigang batas sa halip na sa lakas-militar.
Samantala, nagsagawa rin ang Department of Foreign Affairs ng talakayan bilang bahagi ng paggunita sa UN Day, na dinaluhan ng mga diplomat at kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.
Inaasahang pipiliin ang susunod na UN Secretary-General sa mga natitirang buwan ng 2026 at manunungkulan ito simula 2027, bilang kahalili ni António Guterres ng Portugal.










