
Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng local government units (LGUs) na maging maingat sa mga natatanggap na online messages at liham na gumagamit ng logo ng DILG at National Barangay Operations Office (NBOO) nang walang awtorisasyon.
Ayon sa DILG, nakatatanggap ang ilang LGU ng mga kahina-hinalang liham na humihiling ng sensitibong impormasyon, kabilang ang pag-verify ng address ng mga pribadong indibidwal at paghingi ng tulong sa paghahatid umano ng subpoena, writ of execution, default judgment, at mga utos kaugnay ng property garnishment.
Giit ng ahensya, hindi ito dumaan sa opisyal na proseso at hindi dapat basta-basta pinagkakatiwalaan ng mga opisyal ng barangay at LGU.
Paalala ng DILG, kailangang idaan sa tamang legal at administratibong proseso ang anumang paghingi ng personal na impormasyon mula sa mga rekord ng barangay.
Binigyang-diin din ng ahensya na ang hindi awtorisadong paggamit ng pangalan at logo ng DILG at NBOO ay maaaring magresulta sa mga kasong administratibo, sibil, at kriminal laban sa mga mapatutunayang lumabag.
Patuloy na hinihikayat ng DILG ang mga LGU na i-verify ang pagiging lehitimo ng anumang komunikasyon na gumagamit ng pangalan ng ahensya upang maiwasan ang posibleng panlilinlang at pang-aabuso.




