
Inakusahan ni Anilao, Iloilo Mayor Matet Debuque si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jed Patrick Mabilog ng paglalagay umano ng kulay pulitika sa usapin ng rice program ng pamahalaan.
Ayon kay Debuque, ipinarating niya kay Mabilog ang kanyang mga alalahanin hinggil sa mga polisiya at guidelines ng rice program na ipinatutupad sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng DILG.
Gayunman, sinabi ng alkalde na ikinagulat niya ang naging tugon ng opisyal nang maiugnay umano nito ang usapan sa mga terminong “Gugma” at “Rise,” na may kaugnayan sa mga political slogan na ginamit noong 2025 elections sa Iloilo City.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag si Mabilog kaugnay sa akusasyon.
Nitong Mayo lamang ay itinalaga siya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang Undersecretary for Public Safety ng DILG.
Si Mabilog ay nagsilbing alkalde ng Iloilo City mula 2010 hanggang 2017 bago umalis ng bansa matapos maiugnay sa mga alegasyon ng dating administrasyon.
Noong 2017, iniutos din ng Office of the Ombudsman ang kanyang pagtanggal sa serbisyo dahil sa kasong serious dishonesty kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.




