
Hihingi ng approval sa korte ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para mailipat si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez mula Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City patungo sa Philippine National Police General Hospital sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, posibleng maisampa sa loob ng linggong ito ang kahilingan upang mailagay si Romualdez sa government facility habang patuloy na nabibigyan ng medical care at nananatili sa kustodiya ng pulisya.
Nanatili sa ospital si Romualdez matapos siyang arestuhin noong Setyembre 7 kaugnay ng ₱7.4-bilyong plunder case.
Nagsilbi ang mga awtoridad ng warrant sa ospital kung saan siya naka-confine dahil sa iniulat na cardiovascular event, hindi stable na blood pressure at anxiety attack.
Samantala, nakatakda sa Setyembre 10 ang pagdinig ng Sandiganbayan sa hiling ni Romualdez na manatili sa Cardinal Santos habang nasa kustodiya.
Inatasan din ng korte ang apat niyang doktor na tumestigo at isumite ang resulta ng kanyang medical examination.
Ang Sandiganbayan ang magpapasya kung maaari siyang manatili sa ospital o dapat nang ilipat sa detention facility, depende sa kanyang kondisyon.








