
Ipinag-utos na ng liderato ng Philippine National Police ang pagsisimula ng dismissal proceedings laban sa isang pulis na sangkot sa pag-kidap sa kanyang sariling pinsan sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., seryosong usapin para sa organisasyon ang pagkakasangkot ng isang pulis sa mabigat na krimen.
Aniya, walang puwang sa PNP ang mga pulis na lumalabag sa batas at titiyakin niyang mananagot ito.
Maaalalang, naaresto ang AWOL na pulis at dalawa pang suspek matapos mailigtas ang negosyante.
Ayon sa mga awtoridad, tinutukan ng baril ang biktima at dinukot sa kanyang bodega sa Barangay Kapitan Pepe.
Tumakas ang mga suspek gamit ang pulang pick-up truck ng biktima.
Kalaunan ay humingi ang mga suspek ng halagang P5 milyon mula sa pamilya ng biktima.
Subalit sa pamamagitan ng isang intelligence-driven operation, nailigtas ng pulisya ang negosyante sa Barangay Bakod Bayan at nabawi rin ang ninakaw na sasakyan sa parehong lugar.
Sa pamamagitan ng pag-trace sa ninakaw na cellphone ng biktima, naaresto ng pulisya ang pulis na itinurong umano’y utak ng kidnapping.
Upang maiwasan na maulit ang ganitong insidente, ipinag-utos din ni Nartatez ang isang nationwide validation ng mga AWOL na pulis, kabilang ang accounting ng mga service firearm at mga ni-release na police identification card.










