Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang travel visa consultancy sa Pasig City matapos umanong ilegal na magpadala ng mga Pilipinong caregiver papuntang United States.

Ayon sa DMW, walang lisensya at awtorisasyon ang naturang agency para mag-recruit o mag-deploy ng overseas Filipino workers (OFWs) at wala rin itong aprubadong job order para sa US deployment.

Sa operasyon ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at NCR office ng DMW, katuwang ang Pasig City police, naabutan ang dalawang aplikante na magpapasa sana ng dokumento para sa umano’y caregiving jobs sa US.

Base sa paunang imbestigasyon, ilan sa mga biktima ay nakapagbayad na ng malalaking halaga para sa placement at processing fees, kapalit ng pangakong trabaho bilang caregiver na may suweldo umanong $1,800 o humigit-kumulang ₱109,800 kada buwan.

Pinapaalalahanan ng DMW ang publiko na makipagtransaksyon lamang sa mga lisensyadong recruitment agency upang maiwasan ang illegal recruitment.

-- ADVERTISEMENT --