Otomatikong ipinatutupad ng Department of Migrant Workers o DMW ang deployment ban para sa mga newly-hired workers o OFW sa mga bansang nasa Alert Level 2.

Ito ang paglilinaw ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac kasunod ng pinakahuling assessment ng Department of Foreign Affairs sa sitwasyon sa ilang bahagi ng Middle East.

Ayon kay OWWA Administrator Patricoa Yvonne Caunan, kabilang sa mga lugar na nasa Alert Level 2 ay ang United Arab Emirates, Bahrain, Kuwait, Qatar at Israel, alert level 3 naman sa Lebanon, at alert level 1 sa Jordan.

Wala namang nakataas na alert signal sa bansang Oman at Kingdom of Saudi Arabia.

Paliwanag ni Sec. Cacdac, kapag itinaas sa Alert Level 2 ang isang bansa, otomatikong ipinagbabawal ang pagpapadala ng newly hired workers bilang bahagi ng paghihigpit sa deployment.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, pinapayagan pa ring makabalik ang mga returning workers sa mga nasabing lugar.

Dagdag pa ng ahensya, kung itataas sa Alert Level 3 o 4 ang sitwasyon, mas mahigpit na deployment ban ang ipatutupad na maaari nang sumaklaw pati sa mga returning OFW.

Samantala, patuloy ang monitoring ng pamahalaan sa seguridad sa Middle East upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa rehiyon.